Mon, 22 Oct 2018
29
Dubai

MAYNILA, Agosto 7 (PIA)-Inaasahang may higit 100,000 overstaying na overseas Filipino workers (OFWs) ang makikinabang sa tatlong buwang amnestiya na alok ng pamahalaan ng United Arab Emirates (UAE), ayon sa ulat ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Labor Secretary Silvestre Bello III

Kaugnay nito, nanawagan si Labor Secretary Silvestre Bello III sa lahat ng mga overstaying OFWs at iyong mga tumakas sa kanilang mga employer sa UAE na mag-apply ng amnestiya at isaayos ang kanilang estado o boluntaryong magpa-repatriate pabalik sa Pilipinas.

Nagsimula ang amnestiya ngayong Agosto at magpapatuloy hanggang sa katapusan ng Oktubre. Tinatayang nasa 87,706 undocumented at overstaying OFWs ang makikinabang nito sa Abu Dhabi at 14,400 naman sa Dubai.

"Pinapayuhan ko ang lahat ng undocumented, distressed, at overstaying na mga OFW na mag apply ng amnestiya na alok ng gobyerno ng UAE upang maging ligal ang kanilang pananatili o di kaya'y bumalik sa Pilipinas para sa kanilang kapakanan. Handa ang ating pamahalaan upang bigyan sila ng ayuda kung naisin nilang umuwi sa bansa," pahayag ni Bello.

Sa ilalim ng programang amnestiya, lahat ng dayuhan na lumalabag sa panuntunan sa paninirahan ay binibigyan ng pagkakataon na boluntaryong umalis ng UAE nang walang pananagutan sa batas o gawing ligal ang kanilang estado sa pamamagitan ng pagbabayad ng tama.

Ang mga OFW na nais kumuha ng amnestiya ay maaaring humingi ng tulong mula sa Philippine Embassy sa UAE, Philippine Overseas Labor Office sa Abu Dhabi at Dubai.

Tinatayang mayroong 646,258 documented OFWs sa UAE kung saan 224,572 mga OFW rito ay nasa Abu Dhabi habang 421,686 naman ang nasa Dubai.

Samantala, ang mga OFW na nais bumalik sa bansa sa ilalim ng repatriation program ay makatatanggap ng agarang tulong mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), kabilang rito ang airport at cash assistance.

Bukod sa mga nabanggit na tulong, bibigyan din ang mga uuwing OFW ng employment referral para sa local at overseas employment, livelihood assistance, legal at conciliation service, competency assessment at training assistance sa ilalim ng DOLE Assist WELL (Welfare, Employment, Legal and Livelihood) Program). (DOLE/PIA-NCR)

Sign up for Dubai News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!